by Liezel Reyzen Mendoza
Agriculture… ano ang unang papasok sa isip mo kapag ito ay iyong naririnig? Hindi ba pagsasaka? Pagbubungkal ng lupa? Pagtatanim ng halaman? Pag-aalaga ng hayop… at kung ano ano pang ibang katawagan. Karaniwan na tayong mga Pilipino kapag ito ay ating naririnig ang baba agad ng tingin natin sa kanila. Sa mga kabataang nakikilala na natin na kumukuha ng kursong ganito lagi natin sinasabi na “naku bakit iyan ang kinuha mo? Magtatanim ka lang ng halaman at magsasaka lang din naman ang bagsak mo”.
Ganito ba talaga ang tingin natin kapag agrikultura ang pinag-uusapan? Hindi ba natin naiisip ang kahalagahan nito sa ating buhay? Minsan ba ay ating naisip na kung hindi dahil dito ay wala tayong makakain,magagamit na hilaw na sangkap sa ating mga prosesong pagkain,mga materyal na nagagamit natin sa iba’t ibang bagay?
Sa larangan ng agrikultura marami tayong natatamasang mga bagay na nakakatulong sa atin,nakakapgbigay trabaho,kasiyahan at marami pang iba. Hindi lamang pagsasaka ang nasa agrikultura sakop rin nito ang maraming bagay tulad ng pagnenegosyo, pang industriya at pang ekonomiya. Malaki ang naitutulong ng agrikultura sa ating pang araw araw na buhay. Lalo na sa ating ikinabubuhay, kung wala ito saan tayo kukuha ng ating pagkain, maiinom na tubig, magagamit na material sa paggawa ng iba’t ibang bagay at produkto. Hindi magkakaroon ng isang industriya kung walang agrikultura dahil dito nanggagaling ang mga hilaw na sangkap na ginagamit ng mga pabrika sa paggawa o pagbuo ng kanilang mga produkto. Dahil rin dito kaya tayo mayroong iba’t ibang negosyo at pangkabuhayan,nagbibigay rin ito ng mga trabaho sa mga tao na nakakatulong sa ikauunlad nila sa buhay.
Magpasalamat tayo sa mga magsasaka na walang pagod sa pagtatanim at pag intindi sa mga taong walang ibang sinasabi kun’di panglalait lamang sa propesyon nila sa buhay. Dahil kung hindi dahil sa kanila wala tayong makakain at magagamit sa ating mga negosyo. Magising na sana tayo at huwag ng hamakin pa at laitin ang mga taong nasa likod ng aking ikinabubuhay.
Sa ibang bansa kapag iyong sinabi na ikaw ay isang magsasaka ang taas taas ng tingin sayo ng mga tao,pero kapag narito ka sa ating bansa ang baba baba ng tingin sayo ng mga tao. Siguro ngayon panahon na upang baguhin natin ang tingin na iyon ng mga tao sa magsasaka at sa mga kabataang nahihilig at kumuhuka ng kursong agrikultura. Ating tandaan na tayo ay isang bansa na mapalad dahil marami tayong likas na yaman na ating mapapakinabangan. Lalo na sa sektor ng agrikultura marami tayong kalupaan na maari nating gamiting taniman ng mga halaman, higit pa roon nasa ating bansa ang may isa sa napakagandang klima na angkop sa pagtatanim ng iba’t ibang halaman.
Kung ikaw ay isa sa mga kabataan na kumukuha ng kursong agrikultura maging PROUD ka. Dahil isa ka sa mga mapapalad na kabataan na malaki ang maitutulong sa ating bansa. Hindi lamang bilang isang estudyante kun’di bilang isa rin sa may hawak ng ating kinabukasan. Lagi nating tatandaan na kung hindi dahil sa atin at sa mga magsasaka wala tayong makakain at magagamit sa paglikha ng iba’t ibang produkto na ating tinatamasa sa kasalukuyan.
Halina at ating ipagsigawan sa lahat na “AGRICULTURE STUDENT AKO AT PROUD AKO SA PROPESYON NA AKING NAPILI!”.
No comments:
Post a Comment